MATAGAL nang pinaniniwalaan na may nagpaparamdam sa Mabini Hall, isa sa mga gusali sa compound ng Malacañang kung saan nahulog at namatay ngayong araw ang isang empleyado.
Ayon sa kuwento, isang kawani ang nagbigti sa opisina ng isa sa mga diirektor sa ikatlong palapag ng Mabini Hall.
Natagpuan ang bangkay kinabukasan ng kanyang mga katrabaho.
Mayroon diumano isang sopa sa nasabing silid na kinatatakutan ng mga empleyado.
Base sa mga bulung-bulungan, kahit sino raw na umidlip sa sopa ay binabangungot.
Kahit pinabago na ang kutson at takip ng sopa, na isang antique, ay mayroon pa rin umano itong kakaibang vibes na dulot.
Hindi na nalaman ang nangyari sa sopa.
Naganap ang umano’y pagpapatiwakal ng nasabing empleyado noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Nitong tanghali ay inulat ng PUBLIKO na isang kawani sa Malacañang ay nasawi makaraang mahulog mula sa ikaapat na palapag ng Mabini Hall.
Kinilala ang biktima na si Mario Castro, admininistrative aide ng Information Communications and Technology Office na nasa ilalim ng Deputy Secretary for Finance and Accounting.
Tikom ang bibig ni Press Secretary Trixie Angeles kung paano nahulog si Castro.
Aniya, nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang Presidential Security Group (PSG) kaugnay sa insidente.
Nangako naman ng tulong ang pamahalaan, dagdag ni Angeles, para sa mga nauilala ng biktima.