LGBT boxing champ, ‘misis’ nabahuan sa taga-UAE: ‘Sayang pabango natin’

VIRAL ang TikTok video ng LGBT couple na sina Lady Denily at Hergie Bacyadan, miyembro ng Philippine women boxing team, ukol sa kanilang “opinyon” sa amoy ng mga taga-United Arab Emirates, na kanilang binisita kamakailan.

Sa video na ipinost at agad ding binura ni Lady Denily, mapapanood ang dalawa na naglalakad sa mall sa Dubai.

Ganito tumakbo ang kanilang convo:

Lady Denily: Sobrang daming tao. Dito ko naaral na hindi huminga.

Bacyadan: Yon, yon…pabor, pabor. Para kaming nag-scuba diving lang.

Lady Denily: Basta pag may nakakasalubong…

Bacyadan: Yung mga ganito tapos maitim ‘yung batok, patay na.

Lady Denily: Basta pag may nakasulubong, di ako hihinga ‘no? (inaudible) nung hangin.

Bacyadan: Eto lalo na ‘to dikitan mo ‘to. Sana may alcohol naman.

Lady Denily: Sayang naman pabango natin, kinapitan.

Sa puntong iyon ay bumawi si Lady Denily at sinabi na, “keri naman, mababait naman sila. Siguro sa kanila, ‘yung amoy naman natin ang hindi okay.”

Sagot ng boxer: “Oo kasi walang amoy e.”

Gayunman, inulit ni Lady Denily na nahihirapan siyang huminga

“So, hindi tayo nakakahinga for today’s video,” giit niya.

“Nakakahilo nga,” hirit naman ni Bacaydan.

May paalala naman ang boxer sa mga Pinoy na bibisita sa Dubai.

“Lagi nyong tatandaan pagka may makakasagupa kayo na ganoon, ‘wag n’yo pahalata naman,” aniya.

Nitong Nobyembre ay nagwagi ng bronze si Bacyadan sa Women’s Middleweight 75kg sa ASBC Asian Elite Men & Women Boxing Championship na ginanap sa Amman, Jordan.