Engineer na nag-apply na helper, dinagsa ng job offers

PINAG-AAGAWAN na ng mga kumpanya si Virgilio Reyes Jr., ang licensed engineer at master electrician na nag-apply bilang helper sa isang construction site sa Pampanga.

Ayon kay Jensen Sunga, ang nag-post ng kuwento ni Reyes sa Facebook, mayroon nang napiling kumpanyang gusto pasukan ang engineer.

“Maraming salamat po sa lahat ng nagpakita ng concern kay Engr. Reyes…Ang daming mga company po ang gustong kumuha sakania pero nakapag decide at nakapamili na po si Engr. Virgilio Milla Reyes Jay-ar,” ani Sunga.

Nagpasalamat din ito sa mga netizen na nagpadala ng tulong kay Reyes.

“Sobrang maraming salamat din po sa mga nagpadala direkta sa kanya ng tulong financial para makapag umpisa ang Batang Engineer,” dagdag nito.

Itinanggi naman ni Sunga na gawa-gawa lang nila ni Reyes ang kuwento.

“Sa mga nang bash at nagsabi na scripted at magkakasabwat po kami, dios na po bahala sa inyong kagalingan. Dahil nagpatulong lang po ako na makapasok ng trabaho ang bata at hindi po kami naghingi ng tulong financial. May mga nagkusa lang po. At hindi po kami magkakilala ni Engineer. Naikwento lang po siya sa akin kaya nagkusang loob akong tumulong na matagal ko na pong ginagawa para sa mga baguhan,” paliwanag niya.