AWANG-awa si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson sa pamilya Yulo dahil hindi na nila makontak ang kapamilya nilang si two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo.
Sa isang panayam, isinapubliko ni Singson na tila putol na ang komunikasyon sa pagitan ng pamilya Yulo at ni Carlos.
“Walang maka-contact sa kanya, e. Pero kinu-contact ko na siya lang kaya nakikiusap ako kay Caloy na ipakita niya na ngayon champion siya.. Pero as of last night, wala pa [sagot],” aniya.
Matatandaan na nag-alok si Singson ng P5 milyon “pabuya” kay Yulo kung makikipag-ayos ito sa kanyang mga magulang at kapatid.
Ani Singson, hindi magandang huwaran para sa isang tinitingala ng publiko ang tinitikis ang pamilya.
“Naka-gold siya, ipakita niya na siya ang ano, role model, of the family. Di maganda ‘yung pinapakita niya kung hindi siya makipag-reconcile sa pamilya.
Pakiusap niya kay Yulo: “Pamilya mo muna dahil wala ka naman diyan kung hindi sa kanila. Kung anuman ang nangyari sa kanila, kalimutan na niya. Nasa sampung bilin ‘yun ng Diyos, respect thy father and thy mother.”
“Caloy, kausapin mo pamilya mo, ’wag mo na sila pahirapan dahil ‘yang gold na nakuha mo, hindi lang para sa ‘yo kundi para sa lahat, specially your family. Wala kang pinanggalingan kung hindi sa mga family mo. Kung ano ang mga nangyari, patawarin mo na sila,” dagdag niya.