NAANTALA nang halos dalawang oras ang isang flight ng Philippine Airline mula Tacloban City makaraang magpakawala ng bomb joke ang isang lola.
Ayon kay Col. Marjon Valdehuesa, PNP-Aviation Security Group ng Region 8, sakay na ng eroplano ang 80-anyos na babaeng nang magbiro ito na baka sumabog ang sinasakyan.
Agad namang pinababa ang mga pasahero, kabilang na ang 71 kongresista na dumalo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Isinailalim sa security check ang eroplano kasama na ang mga bagahe habang itinurn-over sa K9 unit ang mga gamit ng mga pasaherong hindi pa nakasakay.
Paglabag sa Presidential Decree No. 1727 ang bomb joke na ginawa ng pasahero, pero dahil sa edad nito ay mas magaang na penalty na lang ang harapin nito.
Hindi na rin pinayagang makasakay sa nabanggit na flight pabalik ng Manila ang matanda.