BIBIGYAN ng buwanang financial at medical assistance ng lokal na pamahalaan ng Antipolo si Alex Palagtay, ang 70-anyos na vendor na sa kabila ng edad at iniindang sakit ay patuloy na nagtatrabaho para ipantustos sa pangangailangan nila ng kanyang asawa na may sakit din, ayon kay Mayor Jun Ynares.
Ani Ynares, makaraang makarating sa kanya ang kuwento ni Tatay Alex ay agad pinuntahan ng kanyang mga tauhan ang bahay ng matanda para alamin kung anong tulong ang maibibigay rito.
“Salamat sa concerned citizens na nagtulong-tulong, in kind and in cash, para kay Tatay Alex at sa kanyang pamilya. Salamat din sa nagbigay ng libreng gamot pang-maintenance nila tatay at nanay,” ani Ynares.
“Tututukan po natin ang kalagayan ng pamilya. Titiyakin nating maihahatid sa kanila ang ating mga programang angkop para sa kanilang mga pangangailangan,” dagdag niya.
Matatandaan na nag-viral si Tatay Alex makaraang ipost ng Facebook user na si Aljexis Jennae Lu ang kanyang encounter sa matandang vendor.