Stephen Curry Magpapasubasta ng Sapatos para sa Asian Hate Crime Victims

IPASUSUBASTA ni Golden State Warriors guard Stephen Curry ang kanyang game-worn basketball shoes na may mukha ng martial arts legend na si Bruce Lee para makalikom ng pera para sa pamilya ng mga namatay sa pamamaril sa Atlanta noong nakaraang buwan.

Isinuot ni Curry ang nasabing sapatos na kulay dilaw, puti at itim sa laro noong Linggo kung sana natalo ang GSW ng Atlanta Hawks.

Maliban sa imahe ni Bruce Lee, may nakasulat din sa sapatos na quote na “under the heavens, there is but one family.”

Matatandaan na anim na babae ang napatay sa pamamaril sa Atlanta noong Marso 16.

Lahat ng mga biktima ay Asyano. Bago ang laro noong Linggo, tinuligsa ni Curry ang nagaganap na karahasan sa US.

“After all we have been through this past year, let alone in the history of our country, people still deal with unnecessary tragedy and are afraid for their lives,” aniya.

“We have to do better.”