Pride ng Tondo na si EJ Obiena lulundag para sa ginto sa Agosto 3

ISA ang pambato ng Pilipinas na si EJ Obiena sa 14 atleta na pasok sa medal round ng pole vault na gaganapin sa Agosto 3.

Nailundag nang maayos ng pride ng Tondo ang 5.75 meters para makapasok sa finals. Nasa ika-10 siyang pwesto sa overall ranking.

Naging maganda ang pasok ng 25-anyos na pole vaulter nang umpisahan nito ang kanyang opening mark ng 5.50 meters. Naging malinis din ang kanyang pagsabak sa 5.65 meters.

Dalawang beses namang nabigong maitawid ni Obiena ang 5.75 meters na naglagay sa kanya sa panganib para hindi makapasok sa finals.

Gayunman sa huling attempt nito ay matagumpay na naitawid ng Pinoy ang laban dahilan para makapasok siya sa medal round na gagawin sa Martes.