HINDI pinahintulutan ng International Olympic Committee (IOC) si dating eight-division world professional champion na si Manny Pacquiao na makapaglaro sa Paris Olympics.
Ayon sa IOC, matanda na o “overaged” na si Pacquiao para makapaglaro sa Olympics. Hanggang 40-anyos lamang ang pinapayagan ng IOC na mga atleta na makapagparticipate sa paligsahan ngayong taon.
Ito ang naging tugon ng IOC sa sulat na ipinadala ng Philippine Olympic Committee noong isang taon na umaapela na paglaruin ang Pambansang Kamao.
Si Pacquiao ay 45-anyos na.
“Too bad our beloved boxing icon is disqualified because of his age and that everyone needs to go through qualifiers, in all sports, to be able to participate in Paris,” ayon kay POC president Abraham “Bambol” Tolentino sa kalatas nitong Linggo.
Sa kasalukuyan, apat na Pinoy pa lang ang nakakalusot para makapaglaro sa Paris — ang world No. 2 pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena, ang boksingerong si Eumir Felix Marcial at artistic gymnasts na sina Carlos Yulo and Aleah Finnegan.