Mommy D kay Caloy: Mahalin mo nanay mo


PINAYUHAN ni Dionisia Pacquiao, ina ni boxing legend at dating senador Manny Pacquiao, ang Olympic gold medalist na si Carlos Yulo na unahin ang pamilya.

Sa isang panayam, sinabi ni Mommy D na dapat mahalin ni Yulo ang inang si Angelica.

“Carlos Yulo, mahalin mo ang nanay mo. Wag ka magkimkim ng masamang loob,” aniya.

“Mahal na mahal ka niya. Yan lang ang payo ko sa iyo bilang nanay,” dagdag niya.

Martes ng gabi ay dumating sa bansa si Yulo at ang iba pang atletang sumabak sa 2024 Paris Olympics.

Wala umanong kapamilya niya na sumalubong sa kanya at naimbitihan na sumama sa Malacanang.

Sa interview, sinabi ni Yulo na na-miss niya nang husto ang kanyang mga kaibigan at ang pamilya ng girlfriend na si Chloe San Jose sa ilang linggo niya sa France.