John Amores nagbenta ng jersey, magle-lechon manok

IBINENTA ng kontrobersyal na PBA player na si John Amores sa vlogger at pawnshop owner na si Boss Toyo ang jersey niya mula sa Jose Rizal University (JRU), na ginamit niya nang sapakin ang player ng College of Saint Benilde sa NCAA game noong 2022, at ang sulat mula kay Vice President Sara Duterte matapos ang pangyayari.

Prinesyuhan ni Amores ang dalawang item ng P200,000 pero tinawaran ito ni Boss Toyo ng P20,000.

“Steph Curry signature jersey, meron tayong mabibili na P70,000 to P80,000. Other great jerseys meron 40 or 50 [thousand],” ani Boss Toyo. “Eto kasi controversial jersey magkaiba naman ‘yon. We’re looking at something (around) P20,000.”

Ayon sa kaibigan ni Boss Toyo na expert sa presyuhan ng mga sports memorabilia, hanggang P35,000 lang ang halaga ng mga dala ni Amores.

Kinalaunan ay nagkasundo ang dalawa sa presyong P67,500.

Isiniwalat ni Amores na gagamitin niya ang pera para sa itatayo niyang negosyo na lechon manok.

“Habang wala ako sa PBA, pangdadagdag ko siya sa pag-oopen ng business. Meron akong gusto, ‘yung lechon manok,” sabi ng player.

Nitong Disyembre ay tinanggalan ng Games and Amusement Board (GAB) si Amores ng professional license makaraang masangkot sa pamamaril sa Laguna noong Setyembre.

Bunsod nito ay hindi na siya muling makapaglalaro sa PBA at iba pang professional leagues sa bansa.