Eumir Marcial pumalag sa kaso ng misis: ‘Hindi niya kami nahuling may ginagawa’

TODO-tanggi si Olympic medalist Eumir Marcial sa paratang ng asawang si Princess na naaktuhan siya nito na nakikipagniig sa ibang babae sa isang condominium sa Pasay City nitong Oktubre.

Kahapon, Enero 10, ay sinampahan ni Princess ng kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act at concubinage ang asawang boksingero sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Sa isang panayam, giniit ni Marcial na hindi niya niloko si Princess.

“Walang nangyayari na pagtataksil. Pumunta siya (Princess) doon [sa condominium] na hindi niya kami inabot na nakapatong o may ginagawa na bagay,” ayon sa atleta

Sa kanyang Facebook account, sinabi ni Princess na nahuli niya sina Eumir at Jessa Santos sa loob ng Airbnb condominium sa Pasay noong Oktubre 2024.

Kasama raw noon ni Princess ang kanyang kapatid nang ipinaaresto niya sina Eumir at Santos. Nakulong ang dalawa nang limang araw.

Sa kabila ng pangyayari ay binigyan niya ng tsansa si Marcial para maayos ang kanilang pagsasama kaya iniurong niya ang reklamo at napalaya ang asawa at si Santos.

Pero lingid sa kaalaman niya ay nagkasundo umano sina Eumir at Santos na mag-live in sa Zamboanga City.

“I’ve managed to maintain some correspondence with some of our mutual and trusted friends in Zamboanga City where they alluded that Eumir and his mistress have decided to live together,” ani Princess.

Isinapubliko rin nito na kinuha umano ng boksingero ang joint savings nila at ginamit ito para patayuan ng bahay si Santos.

“For these obvious reasons, I had to go on separate ways with Eumir and severed all sources of communication with him after all the trauma, manipulation, emotional stress, physical abuse, and psychological torment that I had to endure these past few months and throughout our years of being together,” ani Princess.

Dagdag niya, pinagbantaan siya ni Marcial na hindi na siya makakabalik sa US o makakakuha ng kahit na ano mula sa kanilang paghihiwalay.

“A bigger part of the reason why I’m making this information public is because I’m seriously concerned about my safety, the safety of my family, and the potential witnesses of this case against Eumir,” lahad ni Princess.

Ikinasal sina Eumir at Princess noong 2021 matapos manalo ang atleta ng bronze medal sa 2020 Tokyo Olympics.