Eldrew Yulo sinimot gold sa HK gymnastics tilt

IBINANDERA ni Angelica Yulo sa apat na sulok ng social media ang tagumpay ng anak na si Karl Eldrew sa katatapos na Hong Kong Artistic Gymnastics International Invitation Championships.

Halos masimot ni Eldrew ang mga gold medals makaraan niyang makuha ang unang puwesto para sa Individual All-around, Floor Exercise, Vault, Parralel Bars,  Horizontal Bar, Pommel Horse, at Still Rings events.

“Prayers granted. Medal sweep. Way to go,” wika ni Angelica sa Facebook post na nilakipan niya ng larawan ng anak na may nakasabit na ilang medals sa leeg at may hawak na dalawang trophies.

Sa kanilang FB page, inanunsyo ng Gymnastics Association of the Philippines (GAB) na si Eldrew ang nangungunang atleta na may pinakamaraming panalo para sa Pilipinas.

Noong nakaraang buwan ay apat na gold ang naiuwi ni Eldrew makaraang sumabak sa 3rd JRC Artistic Gymnastics Stars Championships 2024 sa Bangkok, Thailand.

Kabilang sa mga napanalunan niya ang Individual All Around, Floor Exercise, Still Rings, at Vault events.

Nagwagi naman siya ng silver sa Parallel Bars at Team categories.