Dahil kay Duterte kaya PH maraming nasungkit na medalya sa Olympics

IPINAGWAGWAGAN ng Malacañang na dahil sa administrasyong Duterte kaya maraming naiuwing medalya mula sa Tokyo Olympics ang mga atletang Pinoy.


“Hindi coincidence na we had the best-ever performance in the Olympics including our first gold medal ever in our history under the leadership of President Rodrigo Roa Duterte,” ani presidential spokesperson Harry Roque.


Nakasungkit ng gold ang weightlifter na si Hidilyn Diaz, silver ang mga boxers na si Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze kay Eumir Marcial.


“The figures will bear me out pero talaga naman pong nagtanim at nag-invest ang ating Pangulo sa ating mga atleta. Sa kauna-unahang panahon po, rekord po ang suportang pinansyal na binigay natin sa ating mga atleta at nakita naman po natin ang naging prutas ng ganyang investment,” dagdag ni Roque.


“Ang tingin ko po, patuloy ang ating investment in our athletes dahil nakita naman po natin na kapag nakapaguwi ng medalya ang ating mga atleta, hindi lang tagumpay ng atleta natin ito kundi tagumpay ng buong sambayanang Pilipino,” aniya pa. –WC