Boxer Aira Villegas bigo makapasok sa finals; naka-tanso pa rin

BIGONG maka-advance sa 50-kilogram boxing division finals sa Paris Olympic si Aira Villegas matapos itong talunin ni Buse Naz Cakiroglu ng Turkiye Miyerkules ng madaling araw (Manila time) sa Roland Garros Stadium sa Paris.

Pero kahit talo pa si Villegas, sigurado namang maiuuwi niya ang bronze medal.

Hindi kinaya ni Villlegas si Cakiroglu, na sa una pa lang na round ay matinding tama na ang tinamo ng Pinay boxer para siya bigyan ng standing eight-count ng referee na si Wade Paterson.

Sinikap pa ni Villegas na bumawi sa huling minuto ng Round 2 nang bigyan niya ang Turkish ng isang malalang right hook na tila nagpabagsak dito.

Gayunman, ayon sa referee nadulas lamang si Cakiroglu.

Hindi na rin nakabawi si Villegas sa huling round, matapos bigyan ang kalaban ng mga hurado ng perfect score na 30.