Zeus nagpanggap na nasugatan, nag-propose sa GF

AGAW-EKSENA sa ginanap na Star Magic All Star Games sa Araneta Coliseum ang proposal ni Zeus Collins sa kanyang girlfriend na si Pauline Redondo sa kasagsagan ng basketball game.

Ayon sa ulat, nagpanggap na nasaktan si Zeus nang mabangga ng kalabang player sa fourth quarter ng laro.

Nang lumapit si Pauline para tingnan ang kanyang lagay, inaya ito ng kasal ng Hashtag member.

“Hindi ko na sasayangin itong pagkakataon na ito ngayon. Sa harap ng mga kaibigan ko at ng mga madlang people, ngayon ko lang ito gagawin at sana last na ito. Myka Pauline Redondo, will you marry me?” ani Zeus.

Pumayag naman si Pauline.

Sa panayam ng isang entertainment site, sandali lang niyang plinano ang proposal.

“Mga dalawang araw. Tuwing matutulog ako siyempre lagi naman na magpe-pray ka bago matulog. Hanggang sa nagulat ako na parang may biglang kumalabit sa akin na siguro tinanong ko na din si Lord tapos hindi ako nakatulog,” aniya sa PUSH.

“Biglang pumasok sa isip ko na, ayun nga, mag-propose. Hanggang isip ako nang isip. Pinag-pray ko nang pinag-pray. Hanggang sabi ko ito na talaga ‘yung sign na gagawin ko na ‘to,” dagdag niya.