Zeinab kinaladkad si Ray sa motel: ‘Ang daming tiyanak!’

NAWINDANG ang basketball player na si Ray Parks nang dalhin siya sa motel ng kanyang partner na si Zeinab Harake.

Sa latest vlog ni Zeinab, mapapanood na nabigla saka natawa si Ray nang makita na hindi sa isang restaurant siya dinala ng girlfriend.

Hindi rin nakapagpigil si Ray nang tawa habang tinu-tour siya ni Zeinab sa loob ng motel room.

“Ang daming tiyanak,” sey niya nang mapadako sila sa toilet.

Ayon kay Zeinab, dinala niya si Ray sa motel para makita ang reaksyon nito dahil ni minsan ay hindi siya inaya nito na mag-check-in.

“Hindi ako makapaniwala, to be honest. Yung ibang mga lalake parang trip nila ‘to. But, alam mo naman, pagdating sa ‘yo…” ani Ray.

“Hindi naman po niya akong binabastos. Never pong mangangalabit si Ray na ‘check in tayo.’ Never. Kaya kinakabahan ako akala ko magagalit ka,” sey ni Zeinab.

Bago nag-dinner ng spicy hotdog, pancit guisado at sisig, minasahe muna ni Ray ang ulo at mga paa ni Zeinab.