NAKATAKDANG sampahan ng kasong sexual harassment ng Boys Love (BL) actor na si Paolo Pangilinan at ng kanyang management ang actor/screenwriter na si Juan Miguel Severo.
Ayon sa isang Twitter post, inihahanda na ng mga abogado ng Cornerstone Entertainment Inc. ang mga asunto laban kay Severo na ilang beses umanong hinarass ang kanilang talent na si Pangilinan.
Idinagdag sa post na maliban kay Paolo, may tatlo pa umanong biktima si Severo na handang lumutang at idiin siya.
Ngayong araw ay sunod-sunod ang tweet ni Pangilinan ukol sa kanyang pinagdaanan sa kamay ni Severo pero hindi niya binanggit ang pangalan nito.
“Basta yung sakin lang harassers shouldn’t …be put in positions of power esp when they’ve been reported already thank u no delete,” aniya.
Dagdag niya: “Wag talaga ako makakakita ng lgbtqia eme eme riyan galing sa’yo ha tatalak ako.”
At nang malaman na nag-deactivate na ng kanyang Twitter account si Severo, sinabi ni Pangilinan na, “Wag kang lalabas buti yan magtago ka naka abang aq.”
Matatandaan na nagbida si Pangilinan sa BL web series na “Gaya sa Pelikula,” na nilikha at isinulat ni Severo.
Si Severo na isang spoken poet, musician at LGBTQ activist ay isa rin sa mga kilalang kritiko ng administrasyon.
Gumanap siya sa teleserye na “On The Wings of Love ng kaibigan niyang direktor na si Antoinette Jadaone.
Bukas ang PUBLIKO sa panig ni Severo.