NALULUNGKOT si Vilma Santos sa kinahinatnan ng buhay ni John Wayne Sace na isa mga naging anak niya sa pelikula.
Sa isang panayam, sinabi ni Vilma na bagaman gusto niya itong tulungan ay hindi niya alam kung paano ito kokontakin.
Ayon sa Star for All Seasons, kamakailan lang ay pinanood niya ang pelikula niyang “Dekada 70” kung saan isa si John Wayne sa mga gumanap na anak niya.
“Kanina nga, noong pinapanood ko siya, kasi alam ko ang nangyari sa kanya, ‘yung isyu. Noong pinapanood ko siya, ang bata pa niya noon. Habang tinitingnan ko siya, ang nakikita ko sa kanya, parang ang bait-bait pa niya, wala siyang problema sa buhay at that time,” kuwento ni Ate Vi.
“But you know, dinaanan siya ng challenges sa buhay na baka hindi niya nakayanan to the point na, ‘eto, merong hindi magandang nangyari sa kanya. I cannot promise anything. Hindi naman tayo pwedeng akala natin na parang tama ang lahat,” dugtong ng aktres.
Sinabi ni Vilma na hindi niya alam kung saan ito nakakulong at kung ano ang pwede niyang maiambag dito.
“Hindi ko alam kung nasaan siya or kung ano ang pwede kong i-contribute as a person, as a mom or nakatrabaho ko bilang anak. Para ko na rin siyang anak, so, in my own little way, meron. Pero, I don’t know how to communicate,” punto niya.
Hiling ng aktres: sana ay magbago ang kapalaran ng “anak.”
“I feel bad for him and sana, maka-recover ang bata,” sambit ni Vilma.