Vice ginaya ‘gaslighting’ ni Otlum

NAWINDANG ang publiko nang i-quote ni Vice Ganda sa “It’s Showtime” si Otlum, ang Tiktoker na dinakip makaraang itakbo ang cellphone ng bakery owner sa Maynila.

Habang ini-interview ang contestant sa segment na “Girl on Fire” ng “It’s Showtime,”, ginaya ni Vice ang self-defense ni Otlum.

“Malinis po ang inyong intensiyon…Kaya nga, at ang konsensiya ko is clear,” ani Vice na tila inulit ang sinabi ni Otlum sa panayam makaraan itong ireklamo sa presinto.

Dagdag ni Vice: “Tawang-tawa ako ro’n, I swear…Natatawa ako… kasi very Miss Q&A lang ang atake kasi ni Ate. Naaliw lang ako.”

Matatandaan na iniulat ng PUBLIKO nitong Martes ang pagkakadakip kay Otlum at ang paliwanag niya na hindi siya magnanakaw.

“Ang depinisyon ng magnanakaw ay papasok sa isang establisimiento at walang abog-abog ay magbubuklat at kukuha ng mga bagay na nasa pribadong lugar. Pero ang nangyari po sa akin, ako po ay nasa labas ng tindahan, hindi po ako pumasok. Nakita ko lamang ang cellphone na ito sa ibabaw ng pasimano at ito po ay aking kinuha. Hindi po masama ang aking ginawa dahil ang akin pong konsensya ay clear,” aniya.

Iginiit din ni Otlum hindi siya magnanakaw dahil wala pa siyang police record at hindi pa rin siya nakukulong sa nasabing krimen.