PARA sa TV host-comedian na si Vice Ganda, mas gugustuhin niyang bigyan siya ng eulogy habang buhay pa siya kesa habang nasa kabaong na siya.
Sa isang episode ng “It’s Showtime,” inihayag ni Vice na mas maa-appreciate niya kung sasabihan siya ng magagandang mensahe habang nabubuhay pa siya.
“Kasi kapag eulogy, ‘yung namamatay, ‘yung malalapit sa iyo na tao, pamilya mo, best friend mo, ang dami nilang sinasabing magaganda tungkol sa iyo.
“Naririnig ka pa ba nila? E, patay ka na, e. Hindi ka na nila maririnig. Bakit hindi natin sabihin sa mga espesyal na okasyon, pag birthday, di ba?
“Mag-inuman tayo, tapos saka natin sabihin ‘yung mga gusto nating sabihin sa isa’t isa, ‘yung masasarap sa pakiramdam.
“Bakit mag-aantay tayo ng eulogy? Kasi pag ginagawa natin ‘yun, there are so much love left unspoken, di ba? Ang daming pagmamahal na hindi nasasabi. Tapos, sasabihin na lang pag kailan patay?
“Bakit hindi natin sasabihin pag birthday, di ba? Pangkaraniwang okasyon. Kasi nga hindi natin hawak ang bukas. So dahil hindi natin alam kung masasabi pa natin ito bukas, sabihin na natin ngayon,” ani Vice.
Kaugnay nito, nagpatutsada siya sa mga mamamahayag na kapag buhay pa ang isang celebrity ay kung ano-anong pintas ang sinasabi ukol dito pero todo-papuri naman kapag patay na.
“Ang dami nating sinasabing hindi magaganda sa isa’t isa. Bakit hindi natin i-try ng magsalita ng magaganda, di ba?
“Diyos ko! Iyong parang sa mga news, iyong mga reporter, pag buhay ka, kung anu-anong sinasabi sa iyo, di ba, ng mga reporter?
“Pero kapag namatay ka, ano iyan, the legend in Philippine showbiz, an icon, one of the best. Sus! Pero nung nabubuhay, kung anu-anong tsismis ang sinulat mo, di ba?” punto niya.