NAGBANTA si Sen. Raffy Tulfo na lalayasan ang TV5 kung hindi aaksyunan ng network ang reklamo ng news researcher laban sa News and Public Affairs program manager na si Cliff Gingco.
Sa kanyang programa na “Wanted sa Radyo,” ibinahagi ng lalaking empleyado ang ginawang pang-aabuso umano sa kanya ni Gingco noong Hulyo 23 sa isang hotel sa Pasig.
Ayon sa empleyado, hindi siya nakapalag dahil sa sobrang kalasingan at pagod dahil sa biyahe.
Makaraang ang pangyayari ay inireklamo niya si Gingco sa Ortigas police station ng Pasig police at sa mga opisyal ng TV5.
Gayunman, nadismaya ang biktima dahil tila wala umanong aksyon ang management ukol rito.
“Nagtataka ako kung bakit walang ginagawa ‘yung HR. Hindi man lang siya binigyan ng preventive suspension or anuman habang nag-iimbestiga,” aniya.
Tinangkang kunin ni Tulfo ang panig ni Gingco, pero nalaman niya na pinagbawalan ito ng management na magsalita on-air ukol sa alegasyon. “Nandito ba si Cliff Gingco? Did we talk to Cliff?” ani Tulfo.
“In-advise-an siya ni LCV na huwag magsalita on air?” dagdag ng senador na ang tinutukoy ay ang vice-president ng News and Current Affairs department ng TV5 na si Luchi Cruz-Valdes.
Sinubukan din ni Tulfo na kausapin si Valdes at ang opisyal mula sa Human Resources.
“Dapat maging fair tayo. Hindi porke’t kasamahan natin, pagtatakpan natin. Dapat we have to be fair. Serious itong sumbong, e, and we have to treat this seriously,” sabi niya.
“Ang gusto ko lang sanang malaman, ano na ang nangyayaring imbestigasyong ginagawa ng TV5,” dagdag niya.
Pahayag pa ng broadcaster-politician: “Ako po ay nananawagan sa TV5. I am sorry, ako po ay member ninyo dito sa TV5 because I have my own show sa TV5. Pero hindi ko po kukunsintihin.
“Kahit na tanggalin ninyo ako sa show ko sa Kapatid Mo, Idol Raffy Tulfo, kahit sibakin ninyo ang show na yan, I don’t care.
“Ang gusto ko lang, magkaroon ng hustisya itong complainant natin because masakit sa kalooban ko na naglalakad-lakad ako diyan sa labas, taas-noo na taga-TV5 ako, yun pala, meron tayong kasama sa TV5 na gumawa ng kabalustugan, and yet, hindi natin kayang disiplinahin.
“E, magre-resign na lang ako sa ‘Kapatid Mo’. Totoo ‘yan.”