TV executive na sangkot sa scandal sisibakin – Ogie Diaz

KUNG ang showbiz insider na si Ogie Diaz ang tatanungin dapat magbayad ang dalawang TV executive na nang-abuso umano sa young actor na si Sandro Muhlach.

Sa latest edition ng kanyang “Showbiz Update” vlog, sinabi ni Ogie, na personal na kilala si Sandro dahil sumailalim ang bagets sa kanyang acting workshop, na na-trauma nang husto ang huli kaya “kung ako ang tatay, I won’t take this sitting down.”

“Kailangang magbayad sila, not necessarily money, kundi magbayad in terms of…dapat matanggal sila sa trabaho…dapat makasuhan at magkaroon ng hustisya, makulong sila at magbayad sila ng danyos, at dapat mapaskil ang mukha nila,” sey ni Ogie.

Idinagdag ni Ogie na nakarating sa kaalaman niya na pinag-usapan na ng mga opisyal ng TV network at magulang ng aktor ang isyu.

“Ang nakuha lang naming lead ay ‘yun nga, internal ay pinag-uusapan ito para hindi na ito magkaroon pa ng kasuhan,” pahayag ni Ogie.

Idinagdag niya na ayon sa kanyang nalaman, may inisyal na desisyon na ang nasabing network. “Nakarating sa akin na ‘yung isa matatanggal sa trabaho at ‘yung isa e hindi,” sabi niya.

Pahayag pa ni Ogie na ang ibinigay raw na rason ng dalawang TV executives na sangkot sa eskandalo ay inakala raw nila na “pa-booking” ang aktor kaya pinagtangkaan nila ito.

“Nakarating lang naman ito sa akin, pwede naman nila tayong i-correct,” paliwanag ni Ogie.

“Parang napagkamalang pa-booking ‘yung bata na hindi naman.”

“Yung bata ay kilala naman ng dalawang executive e bakit ‘yun ang irarason nila during the meeting with the dad and the upper management?” tanong ng talent manager-vlogger.

Sa kabila nito, umaasa si Ogie na mabibigyan ng hustisya ang sinapit ni Sandro.

“Pangit naman kung sasabihin natin sana maayos [ang isyu] e hindi naman tayo ang nasa lugar ng bata.

Hindi ganoong kasimple na magwi-wish kayo na maayos, pero hindi ako maayos,” sabi niya.

“Sinasabi dito na traumatized daw ‘yung bata, ‘yun nga…”Yun nga yung nakarating sa amin, traumatized nga daw ‘yung bata,” wika pa ni Ogie.