Tony Labrusca umaasang malilinis ang pangalan

UMAASA ang kampo ni Tony Labrusca na malilinis ang pangalan ng Fil-Am actor kaugnay sa kinakaharap na reklamong pangmomolestya sa isang babae at panamakal sa isang lalaki.


Hindi pa umano nakakapaglabas ng pormal na sagot ang legal counsel ni Labrusca na si Atty. Joji Alonso dahil wala pa umano itong kopya ng complaint-affidavit na isinampa sa aktor.


Matatandaang nitong Biyernes ay isinampa ang mga reklamo laban sa aktor sa Makati City Prosecutor’s Office, ayon sa negosyanteng si Drake Dustin Ibay at abogadong si Regie Tongol.


Nahaharap si Labrusca sa dalawang counts ng kasong aggravated acts of lasciviousness makaraan niya umanong hilahin ang strap ng damit ng biktimang babae kaya lumuwa ang dibdib nito bago niya pinilit ang babae na umupo sa kanyang kandungan.


Inasunto rin si Labrusca ng aggravated slight physical injuries ng kapatid ni Ibay na sinakal umano ng aktor nang tulungan niya itong bumaba ng hagdan dahil sa kalasingan. –A. Mae Rodriguez