Tony Labrusca kinasuhan sa pangmomolestiya, pananakal

INIREKLAMO ngayong araw ang aktor na si Tony Labrusca dahil sa umano’y dalawang beses na pangmomolestiya sa isang babae at pananakal sa isang lalaki habang lasing noong Enero.


Isinampa ang mga reklamo laban sa aktor sa Makati City Prosecutor’s Office, ayon sa negosyanteng si Drake Dustin Ibay at abogadong si Regie Tongol.


Nahaharap si Labrusca sa dalawang counts ng kasong aggravated acts of lasciviousness makaraan niya umanong hilahin ang strap ng damit ng biktimang babae kaya lumuwa ang dibdib nito bago niya pinilit ang babae na umupo sa kanyang kandungan.


Inasunto rin si Labrusca ng aggravated slight physical injuries ng kapatid ni Ibay na sinakal umano ng aktor nang tulungan niya itong bumaba ng hagdan dahil sa kalasingan.


Nasaksihan umano ni Ibay at apat na iba pa ang buong pangyayari.


Ayon naman kay Tongol, na abogado ng dalawang biktima, inireklamo ang aktor upang hindi ito pamarisan ng iba.


“The night was very traumatic for my clients as it is their first time to be victimized like this especially unexpected from one of the most idolized actors of the country presently. Mr. Labrusca being a public figure and a foreigner must learn not to be abusive of women,” ayon sa abogado.


“My clients hope that this case would encourage women and anyone who have been victims of abuses by public figures such as Mr. Labrusca whether sexual or otherwise to not be afraid to stand up and be heard,” dagdag niya. –A. Mae Rodriguez