Toni Fowler hindi pinag-judge, nag-walk out sa male pageant

NILAYASAN ng actress-vlogger na si Toni Fowler ang koronasyon ng international male pageant na Man of the World na ginanap sa Baguio City nitong Sabado.


Sa kanyang vlog, sinabi ni Toni na nabastos siya ng mga organizers matapos hindi siya gawing judge gaya nang usapan nila.


“Bakit ba ako nag-walk out? Masama ‘yung loob ko ngayon kasi the reason why andito ako is nag-judge ako ng Man of The World. Pagkarating ko dito ngayon, eh parang nakikipag-negotiate pa raw kung judge ba ako o hindi, but nasa VIP seat naman ako,” pahayag ng online personality.


Idinagdag niya na napahiya siya nang ilagay siya sa VIP section imbes sa lugar ng mga judges.


“Medyo busy kasi akong tao. Ito kasi ‘yung mahirap e. Charity work ‘to, hindi ako bayad. I’m just here to help kasi may mga magbe-benefit dito na ibang tao kapag alam mo yun, nagpo-promote ka ng mga ganitong klaseng events. So, hindi worth ng oras ko na yung ipinunta ko dito,” sabi pa niya.


“Nagpunta ako dito para mag-judge para sa Man of The World tapos pagkarating ko dun, hindi ako judge. Alam ko po ‘yung worth ko bilang ako,” ayon pa kay Toni.


Aniya, humingi na ng paumanhin ang organizers pero hindi na niya binalikan ang event.


“This is too much. Nag-dress ako for this, nagpatahi ako for this, nandito ako para mag-judge at maging part ng coronation ng Man of The World dahil ako po yung kinulit, ate ko po yung kinulit,” dagdag niya.


Kinumpirma naman ng ate niya na ang usapan ay magiging judge si Toni kaya maging ito ay nadismaya rin.


Sa sobrang inis, nilayasan din ni Toni at mga kasama ang hotel kung saan sila na-book ng pageant organizers.