Tom Rodriguez na-scam ng P24M – Ogie Diaz

UMABOT sa P24 milyon ang na-scam mula sa aktor na si Tom Rodriguez, ayon sa showbiz writer-vlogger-talent manager na si Ogie Diaz.

Sa kanyang online talk show na Showbiz Update, isiniwalat ni Ogie na ayon sa kanyang source ay walang pera sa kasalukuyan si Tom.

“Ayun nga, may nakapagsabi sa akin na parang sumali sa isang negosyo or nag-invest sa isang negosyo na natalo siya ng more than, kung hindi ako nagkakamali, 24M,” ani Ogie.

“Di ko alam king na-scam siya o nalugi ‘yung negosyong kanyang pinasukan kaya walang pera si Tom,” dagdag niya.

Nadamay rin umano sa nawalang pera ang ipon ng asawa ni Tom na si Carla Abellana.

“Karapatan nina Carla at Tom kung gusto nilang i-deny or aminin ‘yung sinasabi natin. Pwede naman nilang i-korek kung mali ‘yung impormasyong nakalap natin,” sey ni Ogie.

Isa umano ang away sa pera sa mga itinuturong dahilan ng paghihiwalay nina Carla at Tom, na ngayon ay nasa US.