Sylvia Sanchez hindi kayang tiisin magulang, mga kapatid

LUMAKING hindi madamot sa pamilya si Sylvia Sanchez dahil sa pagiging bukas-palad ng kanyang ina.

Kuwento ni Sylvia, noong nasa elementary school siya ay may matandang nanghingi ng pagkain sa nanay niya. Kahit anim na isda lang ang pagsasaluhan ng kanilang pamilya ay ipinamigay ng ina ang dalawa.

“Nang tanungin ko ang nanay kung bakit ipinamigay ‘yung ulam, sabi niya pwede naman daw naming paghati-hatian ang natirang isda. Ang mahalaga ay napakain namin ang nagugutom na matanda,” lahad ng veteran actress.

Ani Sylvia, naging breadwinner siya sa batang edad pero hindi niya ito pinagsisisihan.

“Minsan umiiyak ako sa pagod. Bakit in-embrace ko ang responsibilidad na ‘to? Napapagod ako,” sabi ni Sylvia na lumuwas ng Maynila mula Nasipit, Agusan del Norte para makipagsapalaran sa showbiz mahigit apat na dekada na ang nakararaan.

“Pero ang iniisip ko, kaya ko ba na hindi ko pansinin ang pamilya ko? Kaya ko ba na hindi sila bigyan kung okay naman ang buhay ko?” dagdag niya.