Stell sinagot isyu ng pagpaparetoke

HINDI itinanggi ng miyembro ng Pinoy pop group na SB19 na si Stell Ajero na sumailalim siya sa pagpaparetoke.

Sa isang interview, tahasang tinanong ni Jessica Soho kung “gawa” ang ilong ni Stell.

Sagot ng singer: “Sa panahon po ngayon, wala naman po kasing masama when it comes to enhancing yourself. Hashtag self-love. Kung doon ka magiging masaya, doon ka magiging confident, ano naman? Tsaka ang mahalaga, kung may budget ka, ipagawa mo na.”

Paliwanag ni Stell na noong nagsisimula pa lamang ang SB19 ay maraming pumupuna sa kanilang itsura.

“Kasi before, na-experience ko ito, kaya gusto ko i-improve yung sarili ko. Pero nandoon yung maliit na bagay na iniisip mo na baka ma-judge ako, parang ganoon. Like yung kahit yung magpunta sa derma para magpapa-facial, parang dati natatakot ako. Kasi baka mamaya ma-judge ako,” aniya.

“Pero ngayon na may mga tao and big company na talaga sinusuportahan kami, parang sabi ko, ang saya sa pakiramdam. Kasi ‘yung step na gusto kong gawin before, nagiging possible na siya ngayon.”