Stell sa face shamer: ‘Huwag nang patulan’

DEDMA ang SB19 member na si Stell Ajero sa isang social media personality na pinintasan ang kanyang mukha bago siya sumailalim sa enhancement.

Sa live session sa TikTok ay sinagot ni Stell ang pamba-bash na natanggap niya mula kay Stella Salle na tinawag siyang “pangit.”

“Guys, wala naman na tayong magagawa sa sinasabi ng iba, sa iniisip ng iba, kasi sila naman ‘yun, e. Wala na tayong magagawa doon,” ayon sa singer.

Payo niya sa kanyang fans and followers: “Let’s continue life and let’s keep on doing the things we love, kasi ‘yun lang naman ‘yung hindi nila makukuha sa atin. Focus on your goals, basta wala kang inaapakang tao. Napakasimple pero pasok sa lahat ng bagay.”

Umapela rin siya sa mga fans na huwag nang patulan ang basher.

“Kayo kasi, mapagpatol din kayo, e. ‘Pag hindi maganda sa mental health n’yo, huwag n’yo na patulan. Huwag n’yo na bigyan ng platform ‘yung mga taong ganoon. Marami pa ring tao na may mabuting kalooban na hindi nag-to-tolerate ng ganoon,” sey ni Stell.

“Saka ‘di ba, sabi nila, ‘pag marami kang bashers, ibig sabihin, sikat ka na! Wow, sikat! Hindi, joke lang,” dagdag niya.

Giniit din ni Stell na hindi siya nasaktan sa sinabi ni Stella.

“Hindi naman ako nasaktan, to be honest. Saka bakit ako masasaktan, ‘di naman totoo?” sambit niya.

“Sa mga nagtatanong if I’m okay, don’t worry guys, I’m okay. Sobrang busy lang talaga. Matagal ko na gusto mag-live, gusto ko kayo maka-bonding kaso ang dami kong ginagawa,” chika pa ng SB member.