Stell ‘hindi na-hurt’ sa patutsada ng ina ni Jake Zyrus

NAIINTINDIHAN ng SB19 member na si Stell Ajero ang sentimento ng ina ni Jake Zyrus na si Raquel Pempengco sa ginawang pagkukumpara ng ginang sa dalawang singer.

Sa panayam ni Ogie Diaz, inihayag ni Stell na natutuwa siya dahil nadikit ang pangalan niya kay Jake.

“Siyempre, nanay po siya. Siyempre, para sa mga mata ng nanay, anak nila ‘yung pinakamagaling. But hindi ko po siya masisisi doon po sa nasabi niyang salita kasi po siyempre po, ano po ‘yun, eh, parang sa kanya naman po ‘yun, opinyon niya po and wala naman po akong magagawa,” chika ni Stell.

“Basta ako po, ayoko lang po talagang mag-spread ng any negative po kahit sa ibang tao,” dugtong niya.

Matatandaang nag-react si Raquel sa “All By Myself” version ni Stell na inawit din ni Jake noon sa isang concert.

“Gulatin mo din mga tao, mag-Charice Pempengco ka ulit hahaha joke lang pero in fairness magaling si Stell Ajero…mala-Jed Madela din but still don’t compare with Charice,” wika ni Raquel sa Facebook post.

Dagdag ni Stell, karangalan sa kanya na ikumpara sa isang Jake Zyrus.

“Noong nabasa ko ‘yun actually, sabi ko po, ‘wow parang nakakatuwa naman na parang nare-recognize ako kahit papano po.’ Kasi kahit naman may nasabing masama ‘yung tao, parang at least, nakilala ka po,” aniya.

“So, doon po sa sinabi ng mom ni Charice po, parang wala naman akong problem about that, kasi po, siyempre, anak niya po ‘yun,” dagdag niya.

“Hindi naman po ako na-hurt or anything. Kasi po sa mata rin naman ng nanay ko, ako ‘yung pinakamagaling,” pahayag naman ni Stell.