Standee ni BINI Sheena natagpuan na

SHEENAULI na!

Naibalik na ang nawawalang standee ng BINI member na si Sheena, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

Hindi naman idinetalye kung saan natunton ang kontrobersyal na standee, na nawala sa ginanap na “National BINI Day” noong June 11 sa One Ayala mall sa Makati.

Matatandaan na sinabi ni Star Magic head Laurenti Dyogi na nakatayo ang walong life-sized na standees ng girl group sa labas ng lobby ng “The Space” kung saan ginanap ang BINI Hour.

Matapos ang event, nadiskubre na nawawala ang standee ni Sheena.

Sinabi ni Dyogi na nais nilang maging kumpleto ang lahat ng standees upang ang ibang mga tagahanga ay makapagpa-picture din dito.

“Ngayon po, naglulunsad kami ng isang magandang kampanya, ‘Finding Sheena’. So, tulungan niyo po kami, magbigay po ng impormasyon o sino po makakapagbalik sa ating standee ni Sheena,” sey niya.

Mayroong naghihintay na pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyon kung nasaan na ang standee, dagdag ni Dyogi.