Standee ng BINI member tinangay, pinaghahanap

MAY naghihintay na pabuya ang Star Magic sa sinumang magbabalik ng nawawalang standee ng BINI member na si Sheena.

Ayon sa Star Magic head na si Laurenti Dyogi,  nawala ang standee noong Hunyo 11 pagkatapos ng BINI Hour sa “National BINI Day” sa One Ayala mall sa Makati.

Aniya, nakatayo ang walong life-sized na standees ng girl group sa labas ng lobby ng “The Space” kung saan ginanap ang BINI Hour.

Matapos ang event, nadiskubre na nawawala ang standee ni Sheena.

Sinabi ni Dyogi na nais nilang maging kumpleto ang lahat ng standees upang ang ibang mga tagahanga ay makapagpa-picture din dito.

“Ngayon po, naglulunsad kami ng isang magandang kampanya, ‘Finding Sheena’. So, tulungan niyo po kami, magbigay po ng impormasyon o sino po makakapagbalik sa ating standee ni Sheena,” sey niya.

Mayroong naghihintay na pabuya ang sinumang makapagbibigay ng impormasyon kung nasaan na ang standee, dagdag ni Dyogi.