IMBES na akuin nang diretso ang mga kasalanan sa karelasyong si Zeinab Harake, kung ano-anong paliwanag ang sinabi ng rapper na si Skusta Clee kaya nasira ang kanilang relasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Skusta na hindi siya naging totoo sa kanyang sarili at kinulang siya ng pag-intindi sa kanyang partner.
“Hindi ka naging totoo sa sarili mo. Hindi mo muna inaral yung sarili mo, hindi n’yo muna inaral yung isa’t isa kasi dun nagsisimula ang lahat, lalo na kapag hindi kayo nagkakaintindihan. Hindi lang sa isang tao yun. Dapat kasi kapag partner, feeling ko ganun, dapat kahit anong mangyari, magkakaintindihan kayo. Pero sa tingin ko, kung ano yung kasalanan, pagdating sa relasyon, siguro yung kulang ka sa pag-iintindi sa partner mo,” aniya.
Nagpahiwatig din si Skusta, Daryl Ruiz sa totoong buhay, na maayos ang buhay niya makaraan ang paghihiwalay nila ni Zeinab.
“Ako, wala naman talaga akong sobrang dala-dala ngayon, like, natutunan kong aralin yung sarili ko. ‘Yung ano ‘yung mga bagay na gusto ko, kung ano ‘yung mga bagay na ayaw ko, mga bagay na takot ako, ano ‘yung mga bagay na hindi ako takot. Ano ba ‘yung pangarap ko? Ano ba talaga ‘yung gusto ko para sa sarili ko? Sino ba talaga ‘yung tunay para sa akin? ‘Yun, napansin ko silang lahat. Maraming-marami akong realizations,” paliwanag niya.
Isa pa umanong natutuhan niya ay unahing mahalin ang sarili bago ang iba.
“Ngayon, mas natutunan kong mahalin ‘yung sarili ko. Kailangan mo talaga munang mahalin ang sarili mo kasi hindi ka matututong magmahal ng iba kung hindi mo mamahalin yung sarili mo,” sabi pa ni Skusta.
Ang wish niya para kay Zeinab: “Wish ko lang e maging okay ang lahat. Maging masaya lahat, maging okay ang isip. Hindi lang sa akin, hindi lang sa inyo, sa lahat ng tao. Lahat tayo may pinagdadaanang problema, lahat tayo may kaso. Ang akin, hangad ko kaligayahan ng lahat, kapayapaan ng lahat.”
Idinagdag niya na nakapag-move on na siya sa mga naganap sa kanyang buhay.
“Ako yung tipo ng tao na hindi nag-stay sa isang lugar. Nagmo-move forward ako. Kasi kung mag-stay ako dun, lulugmukin ko lang sarili ko,” aniya.