NAGPASARING ang aktres na si Sharon Cuneta sa mga kandidato ng administrasyong Duterte at sinabing hindi dapat iboto sa susunod na eleksyon ang mga politiko na umano’y “stupid” at corrupt.
Sa isang napakahabang post sa Instagram, inihayag din ng Megastar ang kanyang sentimento sa kasalukuyang adminstrasyon na nagpalaganap aniya ng mga “trolls and haters.”
Litanya ni Sharon: “I posted this on my Facebook page just now: I was already expecting lots of trolls and haters to descend on this page once i posted about VP Leni and Kiko. Sadly, this is what this present administration has created and instilled in our people.
“Now, lumalabas na ang pagkabastos at pagkawalang disente ng marami sa ating mga Pilipino. Kundi na tayo marunong rumespeto sa isa’t-isa, paano tayo rerespetuhin ng mundo? Nasaan na ang tunay na bayanihan? Noong araw, nagrerespetuhan tayo ng kanya-kanyang paniniwala at kandidato pag kampanya at eleksiyon na. Magkakitaan na lang sa kung sinu-sino ang mahalal. Ngayon, ganito na – bastusan,” dagdag niya.
Hiling niya na sana ay “maibalik natin ang ating pagkadisente at pagiging kagalang-galang.”
May payo rin siya sa mga botante:
“Piliin ninyo ang mga pinuno na may takot sa Panginoon – yung hindi tinatawag ang Diyos na “STUPID.” Ang walang paniniwala sa Panginoon ay nakakatakot mamuno, dahil ang diyos niya ang ang sarili niya,” ayon kay Sharon.
Nagpasaring naman ang aktres sa mga opisyal ng admistrasyong Duterte:
“Pumili kayo ng mga walang bahid ng korupsyon, may tapat na hangaring makapaglingkod at protektahan tayo. Hindi yung wala na ngang trabaho ang mga kababayan natin, gutom na wala pang ayuda, ang bakuna kulang na nga pinababayaran pa – pero ang mga di makasagot kung saan na napunta ang bilyong-bilyong piso na napunta sa Pharmally pero kitang-kita ang mga magagarang sasakyan at biglang pagyaman ng mga kasali diyan, yun ang pinagtatakpan at pinoprotektahan.”
“Magising na po tayo. Di na makausad ang Pilipinas! Tama na ang pambobola sa atin. Tama na ang pinagtatawanan ang Pilipino ng mundo. Naway tulungan tayo ng Panginoong Diyos. God bless us all po!” hirit pa niya.