SB19’s Stell Ajero dedma na kapag tinatawag na ‘maasim’

PROUD ang SB19 member na si Stell Ajero sa kumakalat na mga larawan niya na kuha noong hindi pa siya sumasailalim sa cosmetic procedures.

Sa TikTok live, inihayag ni Stell na hindi pa rin tumitigil ang ilang netizens sa pambu-bully sa kanya gamit ang mga lumang pics niya.

“Pag nago-open ako ng Facebook talagang nakikita ko, specially ‘yung picture nga na kumakalat. Ginagamit talaga ng lahat to make fun of me. Ginagamit nila kahit saan, mga memes, sa mga kung ano-anong bagay, kinu-compare nila sa ibang mga artists, ibang P-pop idols. Tapos sinasabi nila maasim,” ani Stell.

Giit ng singer, hindi niya ikinahihiya ang dati niyang itsura.

“Ako, hindi naman ako nasasaktan. Unang-una sa lahat, proud ako doon sa photo na ‘yon. Proud ako doon kasi kahit anong gawin natin, part pa rin siya ng past ko. And proud ako doon kasi ‘yun yung reason bakit ako nandito ngayon,” wika niya.  ‘Merong ganoong klaseng Stell kaya merong Stell na ganito ngayon,” pagdidiin niya.

Sinabi rin ng SB19 singer na hindi siya naiinis sa mga nagpo-post ng mga photos bagkus ay masaya pa siya.

“Hayaan ko na lang kung sumaya siya sa ginawa niya. Thankful ako dahil ako ‘yung reason bakit siya masaya,” aniya.