NATANGGAP ng GMA Network ngayong araw ang reklamo ng young actor na si Sandro Muhlach laban sa dalawang TV executive na umano’y nang-abuso sa kanya noong isang linggo.
Pinangalanan mismo ng Kapuso Network ang dalawang isinangkot ni Sandro na sina Richard Dode Cruz at Jojo Nones.
Ayon sa GMA, ang dalawa ay hindi mga empleyado ng istasyon kundi mga “independent contractors” lamang.
Sa kanilang LinkedIn accounts, inilagay ni Cruz na siya ay “Creative Head for Afternoon Prime at GMA” habang si Nones ay “Television Director at Creative Consultant at GMA Network Inc.”
“Recognizing the seriousness of the alleged incident, GMA Network had already initiated its own investigation even before receiving the formal complaint,” ayon sa kalatas ng network giant.
Iginiit din nito na walang magaganap na whitewash sa imbestigasyon.
“The Network assures the public and all stakeholders of its commitment to conducting this investigation with the highest standards of fairness and impartiality.”