Ruru fan daw ni Coco

NATAWA lang si Kapuso actor Ruru Madrid sa viral video kung saan tila ipinahiya siya ng isang matandang fan ni Coco Martin.

Sa video ng programang “Unang Hirit,” nagbigay si Ruru at “Black Rider” co-star na si Jon Lucas ng TV sa isang lalaking senior citizen.

“Makakanood ka na ng Black Rider, ‘Tay. Nanonood ka raw palagi ng Black Rider ‘Tay?” ani Jon sa matanda.

Pero hirit ng senior ay si Coco Martin lamang ang kanyang pinanonood. “Mula pa noon… ang napapanood ko, ang hinahangaan ko, si Coco Martin,” sabi nito.

Natawa na lamang sina Ruru at Jon sa sinabi ng matanda. Si Coco ang bida sa katapat na serye ng “Black Rider” na “Batang Quiapo.”

Reaksyon ni Ruru, maging siya rin naman ay fan ni Coco. “Kahit naman po sino sobrang hinahangaan at iniidolo po si Sir Coco! Maging ako po at alam po ni Sir Coco yun! Hehe Labyu Tay!” hirit ni Ruru.