IDINEKLARA ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan bilang persona non grata ang mga social media influencer na sina Rosemarie Tan Pamulaklakin at Rendon Labador.
Sinang-ayunan ng buong konseho sa ginanap na regular na sesyon ang resolusyon ng Board Member na si Juan Antonio Alvarez.
Sa kanyang privilege speech, kinondena ni Alvarez ang kabastusan nina Rosmar at Rendon.
“Hindi porke tumutulong sila ay may karapatan sila na manduro, mambastos, at i-disrespect yung institusyon ng Coron,” ani Alvarez na ang pinatutungkulan ay ang pagkumpronta ng dalawa kay Jho Cayabyab Trinidad, isang kawani ng lokal na pamahalaan ng Coron.
“Because of that, napagkasunduan ng buong Sangguniang Panlalawigan na i-declare sila as persona non grata not just in Coron but in the entire province of Palawan dahil siyempre kung kaya nilang gawin sa Coron ‘yun, anong makakapigil sa kanila para gawin din sa ibang munisipyo?” dagdag ni Alvarez.
Ipinunto ng board member na lumabag sa batas sina Rosmar at Rendon nang magwala sila sa loob ng munisipyo dahil lamang hindi nila nagustuhan ang ipinost sa social media ni Cayabyab.
“She did in her personal capacity as a private individual and not as an employee of the municipal government. It was her personal opinion so their reaction that included storming the municipal hall and berating a government employee were enough for us to decide and declare them as persona non grata,” pahayag ng opisyal.
Klinaro niya na walang batas na nagbabawal sa dalawa na magpunta sa Palawan.
“But the fact that they are not welcome here, siguro mahiya na lang din sila na pumunta. It is the common sentiment of Palaweños that they are not welcome here. Technically, they can still visit Palawan,” paliwanag ni Alvarez.