Robin di kumikita sa pagtatanggol kay Du30, Bong Go: ‘Wala silang katulad magserbisyo’

IGINIIT ng aktor na si Robin Padilla na wala siyabg natatanggap na sahod sa ginagawa niyang pagtatanggol sa magkaibigang Pangulong Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go.


Ani ni Robin, bukal sa kanyang loob at wala siyang inaasahang kapalit sa pag-eendorso niya sa dalawa.


“May mga malalapit sa akin ang nagtatanong at nagsasabi, ano daw ba ang napapala ko sa pagiging kaibigan ni senator Bong Go at ng mahal na Pangulo mayor Duterte. Nagkakapera daw ba ako?” ani Robin.


“NEVER akong kumita sa kanila at wala akong negosyo lalo sa gobyerno,” sabi niya.


Kwento pa niya na minsan siyang inalok ng posisyon sa administrasyon ni Duterte pero hindi niya ito tinanggap.


“Baka nagkaposisyon daw ako? Ako’y inalok pero hindi ko tinanggap dahil hindi ako handa na iwan ang pamilya ko at ang trabaho ko sa showbiz,” paliwanag ng aktor.


Giit niya, ipinagtatanggol niya ang dalawa dahil “wala silang katulad bilang public servant.”


“Ipinagtatanggol ko sila dahil hindi pa ako nakakilala ng mga public servant na katulad nila kung magtrabaho at magserbisyo. Lalahatin ko na po wala silang katulad, wala silang yabang sa katawan,” ayon pa sa asawa ni Mariel Rodriguez. –A. Mae Rodriguez