Rabiya Mateo ipinagpalit ang BF sa korona

KINUMPIRMA ni Neil Salvacion na hiniwalayan siya ng girlfriend nang anim na taon na si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo dahil sa ambisyon nito.


Sa video application para sa ABS-CBN reality show “Pinoy Big Brother,” sinabi ni Neil, isang nurse, panahon na para malaman ng publiko ang kanyang side of the story.


Ani Neil, dahil sa pagiging health worker ay nangangamba siya sa Covid-19 virus.


“Dumating ang panahon na bawal kang lumapit sa mga mahal mo sa buhay dahil hindi mo alam kung positive o negative ka. Kailangan mong mag-isolate. Nakakalungkot man na kailangang ma-isolate ng ilang buwan,” aniya.


Pero, dagdag niya, mas masakit na maiwanan ng taong mahal mo dahil sa korona.


“Mas nakakalungkot pala na maiwan ka ng taong minamahal mo dahil sa pangarap nitong korona. Ang coronavirus at korona sa patimpalak ay ilan lamang sa mga hamon sa aking buhay,” dagdag niya.


Sa nasabi ring video ay ikinuwento ni Neil na plano niyang magtrabaho sa ibang bansa pero mas ginusto niyang tumulong sa mga kababayan.


“Galing po ako sa hospital. Medyo maraming pasyente pero kayang-kaya,” aniya.


“Ako po ay isang Covid nurse na dapat ay maga-abroad, pero mas piniling manilbihan dito sa bansa bilang frontliner. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang buhay ko po ay hospital, bahay. Minsan ay masisilayan mo ‘yung mga huling hininga ng mga pasyente,” dagdag niya. –A. Mae Rodriguez