Pretty Trisza nalulong sa droga, naging palaboy; tinulungan ni Ethel Booba

NAKAPAGBAGONG-BUHAY ang komedyanteng si Pretty Trisza dahil sa tulong ng mga kapatid at kay Ethel Booba 

Kuwento ni Pretty Trisza kay Ogie Diaz, dahil sa kanyang pagkagumon sa droga ay nawalan siya ng trabaho, bahay, pamilya at mga kaibigan.

Noong panahon ng pandemya, natutulog siya sa kalsada at humihingi ng limos upang makakain.

Habang humihingi ng limos, ginamit ni Pretty Trisza ang mga natutuhan niyang pagpapatawa sa mga comedy bars.

Aniya, talagang tinikis siya ng kanyang mga kapatid at pinabayaang maging palaboy para siya turuan ng leksyon.

Kuwento ni Pretty Trisza, marami siyang nilapitang mga kaibigan para hingan ng tulong.

“Tinatago nila ‘yung bag nila. Tingin nila sa akin dahil nanghihingi ako, dahil adik ako, magnanakaw. Hindi lahat ng adik magnanakaw. Ang sakit,” aniya.

Kaya ganoon na lamang ang pasasalamat niya kay Ethel Booba dahil tanging ito ang hindi nagtaboy sa kanya.

“Sa lahat ng mga hiningan ko, si Ethel hindi niya ako tinaboy. Bagkus kinuha niya ako… Hinarurot niya ‘yung sasakyan, diretso kami sa Nuvali sa Laguna para magkaroon ako ng pagkakataon na isipin kung ano ‘yung ginagawa ko,” aniya.

Sa tulong din ng mga kapatid ay sumailalim siya sa rehab.

Planong bumalik ni Pretty Trisza sa comedy bars.