Pokwang: Hindi pera, 3rd party dahilan ng hiwalayan

TODO-TANGGI si Pokwang na pera at third party ang dahilan ng hiwalayan nila ng kanyang long-time live-in partner na si Lee O’Brian.

Sa isang panayam, ipinagtanggol ng Kapuso comedienne ang ex-boyfriend sa mga isyu na ipinupukol ng publiko laban dito.

“Una sa lahat, walang third party, in all fairness kay Papang (Lee). Hindi rin pera. Walang ganon,” aniya.

“Siguro ano lang kami… napagod,” dagdag niya.

Inilarawan din niya si O’Brian bilang “mabuting tao” at “mabuting ama.”

“Nasasaktan lang ako doon sa mga nababasa ko kesyo palamunin ko raw. Masipag po ‘yung tao,” sey ni Pokwang.

Idinagdag ng komedyana na naging tikom ang bibig niya ukol sa break-up dahil gusto niyang mag-isang harapin ang problema.

“Hangga’t kaya ko, ako lang. Hangga’t kaya kong itago sa mga anak ko, hangga’t kaya kong huwag iiyak sa kanila, lahat ng burden, gusto ko ako lang,” dagdag ni Pokwang.