SUPORTADO ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaroon ng mandatory drug testing sa mga artista at iba pang kasama sa entertainment project.
Sa isang press briefing, nanawagan si PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa television network at iba pang produksyon sa showbiz industry na kahit walang batas na nag-aatas para gawin ang drug testing, makakabuti na ipatupad ito.
Ayon kay Azurin ito ay para magsilbing huwaran sa mga kabataan ang mga artistang kanilang iniidolo.
“We encourage ‘yung mga giant networks, even yung actors’ guild. Sila na magkusa parang nang sa ganun ay maipakita nila na tumutulong sila sa ating kampanya laban sa illegal na droga,” ayon sa opisyal.
Nitong Lunes, nanawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na dapat isailalim sa mandatory drug test ang mga artista bago tanggapin sa isang proyekto.
Kamakailan lang ay inaresto ang aktor na si Dominic Roco at ilang iba pa sa isang anti-drug operation sa Quezon City.
Nakuha kay Dominic, 33, anak ng beteranong aktor na si Bembol Roco, at ang kanyang mga kasamahan, ang P112,000 halaga ng hinihinalang shabu at P14,000 halaga ng marijuana.