Pasaring ni Keempee kay Joey de Leon nga ba? ‘Di man lang maalala kung buhay ka pa’

MASAMA ang loob ni Keempee de Leon sa isang taong malapit sa kanya na sa simula pa ng pandemya noong 2020 ay hindi man lamang siya nakumusta ni minsan.

Sa Facebook post nitong June 11, naglabas si Keempee ng tampo sa hindi pinangalanang kapamilya.

“Mula nung nag-umpisa ang pandemia hanggang ngayon. Wala na palang ibang tutulong sayo kung di ang Diyos, Sarili Mo, Ibang tao at iilan na tunay mong kaibigan.

“At kung sino pa ang inaasahan mo…. sya/sila pa ang dedma at walang paki sayo kasi safe sila and they have everything in life!,” ayon kay Keempee na anak ng komedyanteng si Joey de Leon.

“Ni di ka man lang maalalang tanungin kung buhay ka pa ba? kung may kailangan ka? kung may kinakain ka pa ba? kamusta kalagayan mo? kung ok ka lang ba? at kung kamusta ka?

“Ngayon ko lang napatunayan na kanya-kanya na pala talaga ngayon. Wala ng paki sayo. At least alam ko na talaga ngayon. So be it,” ayon sa actor-TV host.

Ngayong araw ay muling bumanat si Keempee sa Facebook at inilarawan bilang “mapagpanggap” ang taong pinariringgan niya.

“Patawarin ako ng Diyos. Minsan lang ako magsalita pero sorry! Tama na! Nakakapagod at sawa na manahimik. Kitang kita naman sa ugali at pagkatao. Wag na mapagpanggap!

“Dedmahan na lang since ganyan naman gawain nyo natitiis nyo ang tao. Makakaalala lang kayo kung may okasyon???? Pero kalagayan ng tao di nyo naaalala kung ano na etc???? Talaga ba?!?!

“Salamat na lang, at masaya naman buhay nyo kita naman. Pasalamat na lang kayo lahat na sa inyo na wala kayong pinoproblema at inaalala sa araw araw. God bless na lang. Diyos na bahala sa akin wala ng iba,” himutok niya.