INAMIN ng aktor na si Paolo Contis na single na uli siya matapos ang ilang taon na pakikipagrelasyon kay Yen Santos.
Ginawa ni Paolo ang rebelasyon sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.
Tanong ni Boy kay Paolo at sa isa pang guest na si Kokoy de Santos: “Single or taken?”
“Single,” walang kagatol-gatol na sagot ni Paolo.
Hindi na sumundot ng tanong si Boy at hindi na rin nagpaliwanag si Paolo.
Noong Mayo ay kumakalat ang balita na nag-break na sina Paolo at Yen matapos i-unfollow ng aktres ang una sa Instagram.
Binura rin ni Yen ang lahat ng photos at videos na kasama si Paolo.
Nang uriratin ang aktor ukol dito, ang mataray niyang sagot: “No comment. Libre naman magtanong, pero yun ang sagot ko, no comment. As I always say, masyado na kayong maraming alam sa buhay ko. So, I’d like to keep my personal life, personal.”