APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang “Eddie Garcia Act” na naglalayong protektahan ang mga empleyado at independent contrators sa pelikula, telebisyon, radyo at iba pang nasa entertainment industry.
Sinabi ni Speaker Martin Romualdez na sa ilalim ng House Bill (HB) No. 1270 magbebenepisyo ang libo-libong mga nagtatrabaho sa entertainment sector.
“It would ensure that they continue to have gainful employment and protect them against abuse, harassment, dangerous working environment, and exploitation,” dagdag ni Romualdez.
Hinango ang pamagat ng batas sa sikat na namayapang aktor na nasawi noong Hunyo 2019 habang nagte-taping ng isang teleserye ng GMA-7.
Kabilang sa mga probisyon ng panukala ay walong oras lamang dapat magtrabaho ang miyembro ng industriya at maaaring mapalawig hanggang 12 oras, kasama na ang pag-aantay sa set, bagamat dapat itong bayaran ng overtime.
Ayon sa panukala, 60 oras lamang ang pagtatrabaho sa isang linggo at ang oras na ginugugol sa biyahe sa mga out-of-town ay dapat bayaran bilang overtime.