Pagbasa ng sakdal kay Neri Naig hindi natuloy

INIURONG sa January 2025 ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa dating aktres na si Neri Naig kaugnay sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code (RA 8799).

Nagtungo sa Regional Trial Court sa Pasay City noong Huwebes ang kampo ni Neri para sa arraignment makaraang maghain ng  “motion to quash” upang mapawalang-bisa ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Iniurong naman ng korte sa January 9 ang pagbasa ng sakdal dahil kinakailangan pang magsumite ng kani-kanilang komento ang prosecution at Securities and Exchange Commission (SEC) ukol sa nasabing mosyon na inihain ng kampo ni Neri.

Ang kaso ay kaugnay sa pagbebenta umano ni Neri ng securities nang walang lisensya.

Base sa paliwanag ni SEC Director Filbert Catalino Flores III, naging endorser si Neri ng Dermacare ng kumpanyang Beyond Skin Care Solutions. Pero sa bukod sa pagiging endorser, nanghikayat umano ang aktres na mag-invest sa nasabing kumpanya kahit wala itong lisensya, na isang paglabag sa regulasyon ng SEC.

Aabot sa P1.7 million ang inirekomendang piyansa para sa 14 counts of security regulations violation na isinampa sa aktres.

Samantala, wala pang balita kung kailan ang arraignment ni Neri para sa kasong estafa at syndicated estafa, isang non-bailable offense.

Matatandaang inaresto si Neri sa isang mall sa Pasay City noong November 23.

Kahapon, November 29, ay inilipat sa Pasay City Jail ang aktres mula sa PNP Custodial Center.