P85K ni Pokwang sa GCash nalimas

NAGHIHIMUTOK ang komedyanang si Pokwang makaraang maglaho ang P85,000 niya sa GCash mobile wallet.

Hindi naman maipaliwanag ni Pokwang kung paanong nagkaroon ng transfer gayong wala naman umano siyang pinadadalang one-time password (OTP) o Mobile Personal Identification Number (MPIN) kahit kanino.

Ginagamit ng mga scammer ang OTP at MPIN para ma-access ang account ng kanilang mga biktima at tangayin ang laman nito.

“Naghahanap buhay po ako ng marangal nagbibigay po ako ng hanap buhay sa mga single mom, tapos isang umaga pagka gising mo simot ang laman ng GCASH accnt?” inis na inis na post ni Pokwang sa Instagram.

“Ibat ibang number na hindi naka rehistro halos nasa 30 numero na hindi naka rehistro!!! Ano nangyare sa registered sim policy ngayon?” tanong niya sa Globe.

“Nakakaiyak binangon ko mag isa ang negosyong pinabayaan ng taong inasahan ko pinag katiwalaan ko pati ba naman dito naisahan parin ako? Nakakaiyak talaga sana naman @gcashofficial tulungan nyo mga kagaya kong naghahanap buhay ng patas at nagbibigay ng hanap buhay,” apela niya sa telecom giant.