IBINUNYAG ng Kapamilya singer na si Jona na gumagastos siya ng P70,000 kada buwan para sa mga alaga niyang 70 aso at pusa.
Sa isang panayam, sinabi ni Jona na kabilang sa mga inaalagaan niya ay ang mga nasagip niyang “aspin” at “pusakal.”
Dagdag ni Jona, kumakasya naman sa kanyang bahay ang mga alaga dahil may kanya-kanyang lugar ang mga ito.
“Ginawan ko po talaga ng paraan, nagkasya naman po sila sa bahay ko,” aniya sa interview ng Bandera.
Ayon kay Jona, kada buwan ay naglalaan siya ng P70,000 para sa pagkain ng mga alaga, pero hindi pa kasama ang gastos sa veterinarian kapag nagkakasakit ang mga ito.
Kuntento at fulfilled naman ang singer kahit madalas ay nahihirapan siyang alagaaan ang 70 hayop.
“Ang fulfillment po na nakukuha ko rito… napa-practice ko ‘yung simpatya at empathy natin hindi lang sa mga tao kundi pati sa ibang creatures. Sila ‘yung kino-consider natin na voiceless na creatures, ‘di ba? So, sino pa ang tutulong sa kanila kundi tayong mga tao na marunong mag-isip at may puso for those kind of creatures,” paliwanag pa ni Jona.